TARGET ng Senado palawakin ang Absentee Voting Law sa bisa ng pagdaragdag ng electronic at postal mode sa pagboto ng mga rehistradong Pinoy na naninirahan at nagtatrabaho sa ibang bansa.
Inihayag ito ni Senador Alan Peter Cayetano habang tinatalakay ang panukala sa ilalim ng Senate Committee Report No. 369 upang palakasin ang demokratikong karapatan ng Overseas Filipino Workers (OFWs) at iba pang Pinoy na nasa ibang bansa.
Aniya, palalawakin ang pamamaraan sa pagboto partikular sa pamamagitan ng electronic at postal voting.
Tinalakay ng Senado ang Senate Committee Report No. 369, na inihain ng Senate Committees on Electoral Reforms and Finance kamakailan.
Layunin ng panukala amyendahan ang Overseas Absentee Voting Act upang tugunan ang mga hamon na nararanasan ng botanteng Pilipino sa ibang bansa at maiwasan ang pagka diskaril sa pagpili ng manunungkulan sa pamahalaan.
“Our OFWs and overseas Filipinos sacrifice so much to contribute to our national economy. We owe it to them to ensure they have a voice in choosing leaders who will recognize and enhance their role in our economy, wherever they may be in the world,” ani Cayetano.
Sinabi rin niya na malaki ang ambag ng mga OFW noong 2023 na may kabuuang $33.5 bilyon na remittances — katumbas ng 8.5% ng GDP ng Pilipinas.
Binigyang diin ni Cayetano na ang panukala ay naaayon sa Article II, Section 5 ng Konstitusyon ng Pilipinas na nag-aatas ng ligtas na sistema para sa absentee voting para sa mga Pilipino sa ibang bansa.
Ang panukala ay naglalayong magkaroon ng electronic voting gamit ang mga ligtas na online platform pati na ang postal voting para sa mga may limitadong akses sa internet. Layon din magkaroon ng sistema para sa mga seafarers kung saan maaring bumoto online kahit hindi na bumaba ng barko.
Upang matiyak ang seguridad at madaling paggamit ng bagong pamamaraan ng pagboto, ang Commission on Elections (Comelec) ay inaatasang magtakda ng mga alituntunin para mapangalagaan ang datos ng mga botante at siguraduhin madaling magamit ng mga Pilipino sa ibang bansa.
Sinabi ni Cayetano ng ang panukala, na may malawak na suporta sa Senado, ay magbibigay sa milyun-milyong Pilipino sa ibang bansa ng mas malawak na pagkakataon na makilahok sa demokratikong proseso ng Pilipinas, lalo na sa nalalapit na halalan sa 2025.
“Our OFWs are critical to our economy and society. It’s time we ensure they have a voice in shaping our nation’s future,” aniya. (Estong Reyes)
