TIWALA si House Speaker Martin Romualdez na malaki ang maitutulong ng bagong batas na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. – ang Ligtas Pinoy Centers Act, na sadyang binalangkas at pinagtibay para sa ibayong proteksyon ang mga Pilipino sa pananalasa ng kalamidad.
Sa ilalim ng naturang batas, magtatayo ng fully-equipped evacuation center sa bawat lokalidad na magsisilbing pansamantalang panuluyan ng mga pamilyang apektado ng bagyo o pagbaha at iba pang sakuna.
“When these shelters are built, people will be aware of where to go when they need to evacuate. The centers will have the necessary facilities and supplies for them,” pahayag ni Romualdez na pangunahing may-akda ng Ligtas Pinoy Centers Act.
Giit ni Romualdez, napapanahon ang pagsasabatas ng Ligtas Pinoy Centers lalo pa’t lumalakas at mas mapanira na ang mga tumatamang bagyo dahil sa climate change.
“We should have prepared for this eventuality years ago because we are visited every year by at least 20 typhoons. But it’s still not too late to prepare and we should start building the needed evacuation centers soon,” wika ng kongresista.
Binigyang-diin ni Romualdez ang kahalagahan mailikas ang mga pamilya bago pa dumating ang isang malakas na bagyo.
Samantala, ang National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) ang magiging tagapagpatupad ng batas.
Inaatasan ang konseho na bumuo ng listahan ng mga siyudad at bayan na prayoridad para sa evacuation centers depende sa pagiging lantad nila sa panganib at kakayahan kanlungin ang pansamantalang mga tuluyan.
Sa ilalim ng batas, pangangasiwaan ng mga lokal na pamahalaan ang operasyon ng pasilidad.
Ang Department of Public Works and Highways naman ang magpapatayo ng evacuation centers gamit muna ang sariling pondo.
Maglalabas ang NDRRMC, katuwang ang iba pang ahensya ng gobyerno at pribadong ahensya, ng implementing rules and regulations para sa pagpapatupad ng bagong batas. (Romeo Allan Butuyan II)
