Ni JIMMYLYN VELASCO
SA kabila ng mahigpit na pagtutol ng Coordinating Council of Private Educational Associations of the Philippines (COCOPEA), ganap nang nilagdaan bilang batas ang panukalang nagbabawal sa polisiyang “No Permit No Exam” sa hanay ng mga pribadong paaralan sa buong bansa.
Sa isang simpleng seremonya sa Malacañang kamakailan, nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang Republic Act No.11984 (Anti-No Permit, No Exam Act) na nagbibigay pahintulot sa mga mag-aaral kumuha ng pagsusulit sa pinapasukang paaralan kahit hindi pa bayad ang matrikula.
Sakop ng RA 11984 ang basic education institutions (K to 12), higher education institutions, at technical-vocational institutions.
“All public and private educational institutions covered by this Act are hereby mandated to accommodate and allow Disadvantaged Students unable to pay tuition and other fees to take the periodic and final examinations without requiring a permit,” saad sa isang bahagi ng RA 11984.
“Provided, however, that in the case of K to 12 students, the mandate shall be for the entire school year.”
Gayunpaman, nakasaad sa batas na kailangan maglabas ng kaukulang sertipikasyon ang local social welfare development office o ang regional office ng Department of Social Welfare and Development sa mga estudyanteng walang kakayahan magbayad dahil sa kalamidad, kagipitan, at iba pang dahilan.
Pasok din sa RA 11984 ang nakaumang na parusa laban sa mga pribadong paaralan na lalabag sa naturang batas.
