TINIYAK ni Senador Sherwin Gatchalian na unti-unti nang matutugunan ng pamahalaan ang kakulangan ng silid aralan sa iba’t ibang panig ng kapuluan.
Partikular na tinukoy ni Gatchalian ang 16,000 classroom backlog na nakasaad sa datos na inilabas sa senado ni Secretary Sonny Angara ng Department of Education (DepEd).
Ayon kay Gatchalian na tumatayong chairman ng Senate committee on finance, mas mapagtutuunan ng DepEd ang pagtugon sa kakulangan ng silid-aralan sa sandaling pirmahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang 2026 General Appropriations Bill na inaprubahan kamakailan sa bicameral conference committee.
Sa ilalim aniya ng enrolled 2026 budget, P85 bilyon ang inilaan para sa pagpapatayo at pagkukumpuni ng mga silid-aralan.
Sa naturang halaga, P65.9 bilyon umano ang inilaan para sa pagpapatayo, pagpapalit, at pagkumpleto ng mga school buildings sa kindergarten hanggang high school, kabilang ang mga technical-vocational laboratories.
“Hindi lamang tayo naglaan ng mas malaking pondo para sa pagpapatayo ng mga classrooms. Tiniyak din nating mapapabilis ito sa pamamagitan ng aktibong pakikilahok ng iba’t ibang sektor,” ani Gatchalian.
Ipinaliwanag din ng senador na pinahihintulutan ang DepEd na gumamit ng iba’t ibang paraan para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, kabilang ang public-private partnership.
Maaaring pumasok sa isang Memorandum of Agreement (MOA) ang Department of Public Works and Highways (DPWH), mga kwalipikadong local government units, civil society organizations (CSOs), non-governmental organizations at Armed Forces of the Philippines Corp of Engineers. (ESTONG REYES)
