MULING napatunayan na wala sa mataas na singil sa matrikula ang husay pagdating sa pagsusulit.
Ito marahil ang napagtanto ni Jhenroniel Rhey Timola Sanchez ng University of the Philippines (Diliman) matapos masungkit ang number one spot sa talaan ng mga pumasa sa 2025 bar examinations sa gradong 92.70 percent.
Hindi kalayuan sa gradong 92.46 percent si Spinel Albert Allaguian Declaro ng University of Santo Tomas (UST), habang nasa ikatlong pwesto naman sa gradong 91.91 percent ang isa pang UST grad na si Alaiza Agatep Adviento.
Inilabas ng Korte Suprema kahapon ang resulta ng 2025 Bar Examinations kung saan 5,594 sa 11,425 examinees ang nakapasa, katumbas ng 48.96% passing rate.
Pinangunahan ni Associate Justice Amy Lazaro-Javier, Chairperson ng Bar Exams Committee, ang pagbubukas ng resulta sa en banc session ng Korte Suprema.
Isinagawa ang pagsusulit noong Setyembre 2025 sa iba’t ibang regional testing centers gamit ang digital platform na Examplify, na layong gawin mas accessible at ligtas ang proseso.
Ang mga bagong abogado ay inaasahang sasailalim sa clearance process at opisyal na panunumpa sa darating na Pebrero. (JULIET PACOT)
