TIWALA si Senador Bam Aquino na mapopondohan nang maayos at maipatutupad nang tama ang mahahalagang programang pang-edukasyon sa ilalim ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na nilagdaan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa isang pahayag, partikular na tinukoy ni Aquino ang pagtatayo ng silid-aralan at pagpapalakas sa school-based feeding program sa hanay ng mga estudyante sa mga pampublikong paaralan.
“Panalo ang kabataang Pilipino ngayong naaprubahan na ang 2026 national budget. Sa pamamagitan nito, mapopondohan na at maipatutupad nang tama ang mga mahahalagang programang makatutulong upang mapalakas at mapabuti ang sektor ng edukasyon,” wika ni Aquino, na tumatayong chairperson ng Senate Committee on Basic Education.
“May pondo na para sa pagpapatayo ng mga silid-aralan, dagdag na budget para sa school-based feeding program at libreng kolehiyo, at iba pang mahahalagang suporta para sa mga mag-aaral upang matiyak na mas maayos silang makakapag-aral,” dagdag pa niya.
Kabilang sa P1.34-trilyong pondo para sa edukasyon – ang pinakamalaki sa kasaysayan ng bansa – ang P68 bilyon para sa pagtatayo ng mga bagong silid-aralan at P25.6 bilyon para sa pagpapalawak ng School-Based Feeding Program.
Naglaan din ang budget ng P67 bilyon para sa pagpapatupad ng Republic Act No. 10931, o ang batas sa Libreng Kolehiyo na inakda ni Aquino.
Dagdag pa rito, isinama sa budget ang mungkahi ni Aquino na maglaan ng P500 milyon sa ilalim ng Maintenance and Other Operating Expenses (MOOE) ng Higher Education Development Program, na partikular na itinalaga para sa pinansyal na suporta sa Related Learning Experience (RLE) ng mga estudyante sa allied health sciences programs.
Kasama sa mga estudyanteng makikinabang sa alokasyon na inilaan sa sektor ng edukasyon ang mga nasa allied health sciences programs tulad ng Nursing, Medical Technology/Medical Laboratory Science, Pharmacy, Physical Therapy, Occupational Therapy, Respiratory Therapy, Radiologic Technology, Midwifery, Nutrition and Dietetics, Speech-Language Pathology, Human Biology/Pre-Med Allied Programs, Dentistry, Biochemistry, at Psychology.
Sa kanyang talumpati, sinabi ni Pangulong Marcos na sinusuportahan din ng education budget ang paglikha ng teaching at non-teaching plantilla positions sa mga pampublikong paaralan, pati na rin ang promosyon o reclassification ng mga guro upang matiyak ang de-kalidad na edukasyon.
Gayunpaman, muling binigyang-diin ni Aquino ang kanyang panawagan para sa mahigpit na pagbabantay upang matiyak na ang budget ay maipatutupad nang tama at ang bawat piso ay magagamit sa tamang programa at sa kapakinabangan ng mga estudyante.
“Sama-sama nating bantayan ang paggamit ng pondong ito, hanggang sa kahuli-hulihang sentimo, upang masigurong mapupunta ito sa edukasyon at hindi sa korapsyon,” giit niya. (ESTONG REYES)
