HIMAS-REHAS ang siyam na Chinese nationals matapos mahuli sa akto habang pinangangasiwaan ang illegal mining operation sa bayan ng Aroroy sa lalawigan ng Masbate.
Sa isang kalatas, ibinida ng Bureau of Immigration ang magkahiwalay na operasyon sa Barangay Cabancalan at Pangle kung saan tumambad ang operasyon ng pagmimina na kapwa walang pahintulot sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) at maging sa lokal na pamahalaan.
Sa imbestigasyon ng kawanihan, lumalabas na pawang ilegal ang pananatili ng mga dayuhan sa bansa.
Agad na inilipad patungo sa Maynila ang mga hindi pinangalanang suspek na kasalukuyang nakapiit sa BI Detention Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City.
