SA hudyat ng Mayo 11, pansamantalang suspendido ang alokasyon ng tubig para sa mga irigasyon sa sakahan, ayon sa National Water Resources Board (NWRB) bilang paghahanda sa susunod na pagtatanim.
Paglilinaw ni NWRB Executive Director Sevillo David Jr., walang epekto sa mga magsasaka ang naturang desisyon lalo pa aniya’t panahon naman ng anihan ngayon buwan ng Mayo.
“Nag-aani na ang mga magsasaka sa Bulacan at Pampanga. Kapag nag-aani na po, hindi na ganun kalaki ang pangangailangan nila sa tubig para sa kanilang irigasyon,” ani David sa isang panayam sa radyo.
Gayunpaman, hindi naman di umano agad na puputulin ang suplay ng tubig sa mga taniman. Katunayan aniya, meron pa din naman 10 cubic meters per second ang dumadaloy sa mga linya ng irigasyon.
“Pagkatapos ng May 10, suspendido na muna ang alokasyon o pag release ng tubig sa Angat Dam. Hihintayin natin yung susunod nilang pagtatanim
sa kalagitnaan ng June,” dagdag pa niya.
Paliwanag ng opisyal, ang pagbabawas ng alokasyon sa patubig ng mga irigasyon ay bahagi ng mekanismong ipinatutupad ng NWRB para makatipid ng tubig sa gitna ng nakaambang epekto ng El Nino, na ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Administration (PAGASA) ay magsisimulang madama pagpasok ng buwan ng Hunyo.
Higit na kaunti ang pag-ulan sa tuwing may El Niño.