
MULING sinuspinde ng Bureau of Corrections (BuCor) ang pagdalaw ng mga kaanak sa mga persons deprived of liberty (PDL) na nanunuluyan sa New Bilibid Prisons sa Muntlupa City at maging sa Correctional Institution for Women sa lungsod ng Mandaluyong.
Sa kalatas ng BuCor, napagpasyahan ang na ibalik ang mahigpit na implementasyon ng mga panuntunan sa mga tanggapan at pinangangasiwaang pasilidad bunsod ng panibagong banta ng COVID-19.
Sa hanay ng mga kawani, obligado na ang pagsusuot ng face mask sa loob ng mga tanggapan, habang negative rapid antigen test result naman ang kailangan iprisinta ng mga may pakay sa naturang ahensya.
Sa datos na isinumite ni BuCor Health and Services Acting Director Dra. Ma. Cecilia Villanueva, lumalabas na 55 sa 577 PDLs na sinuri kamakailan ang nagpositibo sa COVID-19.
Sa 55 na nagpositibo, 30 ang nakitaan ng sintomas habang 22 naman ang pasok sa kategorya ng ‘asymptomatic.’
Bukod sa mga PDLs, isang kawani ng BuCor ang nagpositibo rin sa COVID-19 matapos sumailalim sa pagsusuri.
“We will continue to undertake contact tracing just to make sure that our personnel and PDLs are safe,” pahayag ni Dr. Villanueva.