SA halip na sampahan ng kasong kriminal at administratibo, sinibak na lang sa pwesto ang isang lokal na opisyal ng lungsod ng Bacolod kaugnay ng di umano’y ‘pagnagnakaw’ ng gasolinang nakalaan lang para sa mga sasakyan ng gobyerno.
Sa imbestigasyon ng pamahalaang lungsod ng Bacolod, pinalabas umano ni Department of Public Services chief Ramel Palalon na kinarga sa bulldozer ang gasolinang supply ng lokal na pamahalaan.
Gayunpaman, napag-alamang matagal na palang sira ang bulldozer na di umano’y kinargahan ng gasolina.
Ayon kay Bacolod City Mayor Alfredo Abelardo Benitez, siyam na ulit pa di umanong ginawa ni Palalon ang pagnanakaw sa limitadong supply ng lungsod.
Bukod kay Palalon, sabit din ang isang Darwin Cardones na nagtatrabaho sa departamentong pinamumunuan ng sinibak na opisyal, batay sa rekomendasyon ni City Legal Officer Carlos Ting Jr.
Pag-amin no Cardones, pinuwersa lamang di umano siya ng kanyang amo sa opisina na pumirma sa purchase order (PO).
Sa ilalim ng Local Government Code of 1991, may kapangyarihan ang alkalde na magpataw ng parusa sa mga bulilyasong kawani ng lokal na pamahalaan.