KUMBINSIDO si Justice Secretary Crispin Remulla na hindi aksidente ang magkakasunog na paglubog ng tatlong oil tankers sa Manila Bay.
Sa isang panayam, inamin ni Remulla na nagkasa ng mas malalim na imbestigasyon ang kagawaran at napag-alaman di umano na konektado ang tatlong insidente ng paglubog sa Manila Bay ng mga barkong kargado ng langis.
Katunayan aniya, hinahanda na rin ng DOJ ang class suit na isasampa laban sa mga may-ari ng tatlong tanker na “lumubog sa kasagsagan ng Bagyong Carina at hanging habagat.”
“We are not talking about an accident here. We are talking about a crime, a crime committed against our people and our environment,” pahayag ni Remulla pagkatapos dumalo sa pulong ng Oil Spill Inter-Agency Committee.
“We’re looking into the angle of a class suit already, filed by the fishermen against the owners and others… Ano lang ito, tuloy-tuloy ang demandahan dito kasi may nakita kami talagang crime dito na ginawa,” dugtong pa ng Kalihim.
Hulyo 25 nang lumubog ang MT Terranova kargado ng 1.4 milyong litro ng krudo sa karagatan malapit sa Limay, Bataan. Sa paglubog ng naturang oil tanker, tumagas ang langis hanggang sa umabot sa dalampasigan ng mga Cavite, Bulacan at Metro Manila.
Makalipas ang dalawang araw, MTKR Jason Bradley na may kargang 5,500 litro ng diesel fuel ang lumubog sa karagatan hindi kalayuan sa Mariveles, Bataan.
Sumadsad din sa dalampasigan ang inabandonang MV Mirola 1 pero maagap na naawat ng Philippine Coast Guard ang pagkalat ng langis na mano-manong hinakot ng mga PCG personnel.
