MATAPOS magpakalawa ng patutsada si Senador Ronald dela Rosa sa di umano’y panghihimasok ng isang partylist group sa programang pangkalusugan, ipinaliwanag ni Assistant Majority Leader Jude Acidre ang papel ng Tingog partylist group sa kasunduang nagtutulak ng Rural Health Development Program.
Paglilinaw ni Acidre, mali aniya ang kumakalat na impormasyon tungkol sa Memorandum of Agreement (MOA) na sabayang nilagdaan ng mga kinatawan ng Development Bank of the Philippines (DBP), Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at Tingog partylist group.
“It’s not a Tingog-led project. Tingog partylist will only complement the efforts of PhilHealth and DBP by assisting local government units (LGUs) in navigating the program through advocacy, capacity building initiatives and other forms of support,” pahayag ni Acidre.
“Ang nakakalungkot lang kasi, na-reduce siya into a political issue na hindi naman. Project yan ng LGU, hindi yan project ng Tingog. Ang Tingog nag capacitate lang. So it’s really a lot of effort on many fronts,” dagdag pa ng ranking House official.
Ang nasabing programa ay tinawag na “Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program.”
Sa kabila ng kritisismo, binigyan-diin ni Acidre na determinado ang Tingog na isulong ang programa.
“What we believe is this – bahala na kung ano ang sasabihin ng mga taong hindi naman kasama doon sa pag-plano at paghanap ng solution. Gagawin natin ito. Gagawin natin ng maayos kasi kailangan ng tao,” wika pa niya.
“Hindi naman po kaila sa lahat na ang isa sa pinakamalaking problema ng ating healthcare system ang kakulangan ng hospital,” dugtong ng Tingo partylist solon.
Sinabi ni Acidre na prayoridad ng Tingog na mapalakas ang pagtatayo ng mga ospital na pinapatakbo ng mga lokal na pamahalaan bilang katuwang ng mga tertiary hospital na pinangangasiwaan naman ng national government.
“Kailangan pati yung maliliit na hospital ma-pondohan din,” dagdag pa niya.
Ayon sa mambabatas, nais ng Tingog Partylist na matugunan ang kakulangan sa healthcare system sa pamamagitan ng pagsusulong ng mga reporma sa batas.
Inihalimbawa ni Acidere ang pagsasabatas ng Republic Act No. 11567 na nagtaas sa bed capacity ng Eastern Visayas Medical Center mula 500 at gawin itong 1,500 beds, at RA 11703 na nagtatayo ng Samar Island Medical Center, isang tertiary hospital sa Calbayog, Samar.
Suportado rin umano ng Tingog ang pagtatayo ng Philippine Cancer Center upang matulungan ang mga may kanser.
MAlaking bentahe rin aniya ang pagsisikap nina House Speaker Martin Romualdez at Pangulong Ferdinand Marcos Jr. upang magkaroon ng badyet ang Cancer Assistance Fund sa ilalim ng National Integrated Cancer Control Act.
“For the first time, talagang pinush natin sa Kongreso na mapaabot ‘to, hindi lang P1 billion, but naging P1.25 billion po ito for 2024,” ani Acidre.
Suportado rin umano ng Tingog ang pagsasabatas ng panukalang Philippine Pharmaceutical Innovation Act.
“Malakas po ito sa Tingog kasi tinitignan natin na in the coming years, malaking bagay ang level of investment natin in terms of research and development, lalong-lalo na sa health care,” saad pa ni Acidre.
Layunin aniya ng panukala manguna ang bansa sa healthcare innovation upang matugunan ang mga problema sa clinical trials, isulong ang artificial intelligence at precision medicine, at maging competitive ang health care system ng bansa.
“Kung hindi natin na-update ang mga regulations natin, kahit yung pagpapa-approve ng clinical trials napakatagal, pag hindi tayo nakatuon doon, mahuhuli tayo,” aniya pa.
Itinutulak din umano ng Tingog ang amyenda sa Medical Act, ang batas para sa mga doktor.
“Isa tayo sa mga main proponents sa pag-update ng batas…that includes telemedicine, already in practice, which requires proper professional regulation to ensure its effective implementation,” dagdag pa ni Acidre. (Romeo Allan Butuyan II)
