KINASTIGO ni Senador Ronald dela Rosa ang aniya’y programang pangkalusugan para sa kanayunan na isinusulong ng Tingog partylist group kasama ang Development Bank of the Philippines (DBP) at Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth).
Para kay dela Rosa, kwestyunable ang memorandum of agreement (MOA) lalo pa’t wala sa eksena ang Department of Health (DOH) na punong tanggapan para sa usapin ng kalusugan.
“Sa taun-taon nating binabalangkas ang national budget, ang Department of Health lamang ang nakikitaan ko ng programa tungkol sa mga health infrastructure,” wika ni Dela Rosa sa isang privilege speech.
“In addition, the DOH has the mandate to provide technical assistance, consultation, and advisory services to stakeholders regarding health facilities regulation. More to the point, it is the DOH which issues the so-called Certificate of Need whenever a government or private entity desires to establish a new hospital,” giit niya.
“Kaya naman, nakapagtataka para sa akin na hindi kasama ang DOH sa isang programa na sa aking pagtingin ay bahagi o nauugnay sa mandato nito,”
Ayon sa senador, kung meron man aniyang dapat makatuwang ang DBP at PhilHealth sa mga programang pangkalusugan, iyon ay ang DOH at hindi ang Tingog partylist na pinangungunahan ng asawa ni House Speaker Martin Romualdez.
“Bakit kaya mas pinili ng DBP at Philhealth na makasama sa kanilang MOA ang isang partylist kaysa sa Department of Health? Gusto ko rin pong malinawan?”
“Sa isang banda, nakakapagtaka rin po kung bakit hindi rin mas pinili ng DBP at PhilHealth ang Department of Interior and Local Government na may mandato to exercise general supervision over local government units?” pasaring ng senador kay Rep. Yedda Marie Romualdez na kinatawan ng Tingog sa Kamara.
Ayon kay Dela Rosa, na “The supposed agreement “Maalagang Republika: Rural Financing Health Development Program” seeks to expand hospital infrastructure and improve healthcare financing in the country.”
“Mas may kapasidad ba ang Tingog partylist kesa sa DOH at DILG para mag assist and coordinate with LGUs in ensuring their participation in the program intended to rehabilitate, expand, or construct LGU hospitals? O kaya naman ay makapag-provide ng complementary programs and training to ensure the fiscal viability of the operations of the hospital?”
“Ang tanong ng lahat sa kasunduan na pinirmahan ng PhilHealth, DBP, at Tingog Partylist: Legal ba ito? Ethical ba ito?” ani Dela Rosa.
“Hinaluan at hahaluan ba ng pulitika ang mga programang pangkalusugan? Masasabi ba natin na ito’y purong etikal at legal, at walang halong adyendang pulitika? Meron po bang nilabag na batas kagaya ng mga paratang ng ibang mga nakapansin sa timing ng programa?,” giit ng senador.
Ani Dela Rosa, kanyang kukuwestiyunin ang MOA at papel ng Tingog sa programa kapag nagsagawa ang Senate Committee on Health and Demography ng imbestigasyon sa kasunduan.
“Asahan niyo po, hinding-hindi po ako mahihiyang magtanong.” (Estong Reyes)
