WALANG sapat na kapangyarihan ang Department of Health (DOH) para tuluyang ipagbawal ang bentahan, distribusyon at paggamit ng vape sa Pilipinas.
Ito ang buod ng isang video presentation kung saan ipinaliwanag ng DOH ang layon ng panukalang total vape ban sa bansa.
Anang ahensya, nasa kamay na ng Kongreso ang pagbalangkas ng panukala, gayundin ang pagpapatibay ng batas.
Paglilinaw ng DOH, nagsumite na rin ang kagawaran ng rekomendasyon sa Kongreso hinggil sa naturang usapin, kasabay ng panawagan sa dalawang kapulungan na isaalang-alang ang kalusugan ng mga mamamayan — higit lalo ang hanay ng mga kabataan.
Giit ng DOH, hindi biro ang masamang epekto ng vape. Batay sa mga pagsasaliksik ng mga dalubhasa, lumalabas na posibleng magdulot ng pneumonia, bronchitis, paglala ng hika, at mataas na nicotine absorption ang paggamit ng vape, at maging ang usok na may carcinogens o mga sangkap na may kaugnayan sa kanser.
Katunayan anila, may mga kumpirmadong kaso ng pagkamatay na iniuugnay sa E-cigarette or Vaping Use-Associated Lung Injury (EVALI).
Sa mga karatig bansa tulad ng Singapore, Thailand, at Vietnam, mahigpit na ipinatutupad ang “regulated use” kung hindi man total ban sa vape.
