Ni ROMEO ALLAN BUTUYAN II
HINDI na dapat pang maulit ang pagdurusa ng mga mamamayan noong panahon ng pandemya kung saan marami ang nasawi nang hindi man lang nalunasan dahil sa limitadong bilang ng mga pagamutan.
Kasabay ng groundbreaking ceremony para sa 20-storey Bicol Regional Hospital and Medical Center Legacy Building sa Legazpi City, Albay, tiniyak ng pamunuan ng Kamara ang patuloy na kalinga ng administrasyon sa pamamagitan ng pagtataguyod ng mga pagamutan sa 82 lalawigan.
Ayon kay House Speaker Martin Romualdez, prayoridad ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. pagkalooban ng world class healthcare ang mga mamamayan ng bawat lalawigan sa bansa sa ilalim ng Legacy Hospitals Project.
“Bilang lider ng House of Representatives, tungkulin ko na isakatuparan ang kautusan ng Pangulong Marcos Jr. na magtayo ng mga proyektong kailangan ng ating mga kababayan,” pambungad na salita ni Romualdez sa kanyang binigkas na talumpati.
Bukod kay Speaker Romualdez, dumalo rin sa nasabing okasyon ang iba pang Bicol lawmakers kabilang sina House Committee on Appropriations chairman Rep. Zaldy Co, Rep. Jil Bongalon ng Ako Bicol at Rodge Gutierrez ng 1-Rider Partylist, at iba pang lokal na opisyal ng rehiyon.
“Para sa regional specialty hospitals, pangarap ng ating Pangulo na maramdaman din ng mga taga-probinsya ang pag-aalaga sa mga pasyente mula sa mga world-class na ospital tulad nang naitayo ng kanyang ama sa Metro Manila,” wika ni Romualdez.
Ang tinutukoy ng Leyte lawmaker na world-class hospital na sa ngayon ay matatagpuan lamang sa National Capital Region (NCR) ay ang Philippine Heart Center, Lung Center at Kidney Center, na pawang nasa Quezon City.
“Kung ano ang nasimulan ng kanyang ama, nais itong dalhin ng ating Pangulo sa malalayong lugar para mas maraming Pilipino ang makinabang,” dagdag ng lider ng Kamara.
Ipinabatid naman niya na bukod sa mga kasalukuyang specialty hospitals, sinimulan na rin ng administrasyong Marcos ang pagpapatayo ng Philippine Cancer Center (PCC), na nasa Quezon City rin.
“Hindi lamang natin bibigyan ng ospital ang mga may sakit ng kanser. Bibigyan din natin sila ng mga world-class na doctor at nurse na sasanayin natin at bibigyan ng kailangang suporta. Ang mga doktor na nasanay sa Philippine Cancer Center ang ipapadala natin sa mga regional specialty hospitals para manggamot sa mga probinsya,” ayon pa sa namumuno sa Kamara.
Para kay Romualdez, hudyat ng pag-arangkada ng programang pangkalusugan ng pamahalaan ang ginanap na groundbreaking para sa Bicol Regional Hospital Legacy Building.
“Umaasa ako na hindi lamang mga taga-Legazpi o taga-Albay ang makikinabang sa world-class service dito kundi maging lahat ng pasyente sa buong Bicol region,” pahayag pa niya.
“Malinaw po ang utos sa amin ng Pangulo: Tiyakin na may sapat na pondo ang lahat ng proyekto at programang inilaan niya para sa ikabubuti ng mga Pilipino.”
