SA hangaring tiyakin ang kaayusan sa taunang kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9, nakatakdang magpakalat ng hindi bababa sa 12,000 pulis sa Quiapo at mga lugar na iikutin sa tinaguriang Traslacion.
Ayon kay Philippine National Police-Public Information Office (PNP-PIO) Chief Brig. Gen. Jean Fajardo, kailangan masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga deboto at iba pang dadalo sa kapistahan.
Araw ng Biyernes nang magsagawa ng “final walkthrough” sa ruta ng Traslacion 2025 para tiyakin wala na ang mga “sagabal” sa ruta ng prusisyon para na rin tiyakin ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto.
Apela rin ng PNP sa publiko, iwasan gumawa ng anumang karahasan at gulo sa taunang panata ng mga Katoliko.
Enero ng kasalukuyang taon nang makapagtala ang PNP ng halos tatlong milyong deboto sa Traslacion na tumagal ng halos 15 oras. (Lily Reyes)
