
MAHIGIT 10,000 presong nakapiit sa New Bilibid Prisons (NBP) sa Muntinlupa City ang nananatiling nakakulong kahit tapos nang bunuin ang sentensyang iginawad ng husgado, ayon kay ACT-CIS partylist Rep. Erwin Tulfo.
Sa isang pahayag, ibinahagi ni Tulfo ang reklamo ng mga kaanak ng mga presong hindi pa rin nakakalaya dahil umano sa kabiguan ng pamahalaan rebyuhin ang mga karpeta ng mga persons deprived of liberty (PDL).
“Ang reklamo nila tila hindi agad nare-review ang mga papel ng PDL na dapat ay lumaya na,” anang kongresista.
Kabilang aniya sa 10,000 presong nabubulok sa kulungan ang isang hinatulan ng walong taong pagkabilanggo pero nakapiit pa rin matapos ang 10 taon.
“Isang ginang ang nagsabing ang asawa niya ay nasentensyahan ng walong taong pagkakakulong dahil sa kasong homicide. Sampung taon na raw ang mister niya at sobra na ng dalawang taon sa sentensya sa kanya”.
Para kay Tulfo, malaking kaluwagan sa Bureau of Corrections (BuCor) kung gagalaw ang kawanihan para palayain ang mga bakasyonistang labis na ang panahong ginugol sa kulungan.
“Kung mapapalaya lang ang 10,000 na overstaying na PDL sa NBP, tiyak luluwag ang ating BuCor.”