
Ni LILY REYES
SA hangaring tiyakin at kaayusan ng lungsod, kabi-kabilang operasyon ang ikinasa ng Quezon City Police District (QCPD) kaugnay ng kampanya kontra loose firearms.
Sa isang pahayag, ibinida ni QCPD Director Brig. Gen. Redrico Maranan ang pagkakasamsam ng hindi bababa sa 156 baril sa unang anim na buwan ng kasalukuyang taon.
Batay sa datos ng QCPD, arestado rin sa operasyon kontra loose firearms ang 147 suspek na dinakip sa 145 police operations.
Samantala, binigyang-pagkilala rin ni Maranan ang mga himpilan sa nasasakupang distrito – kabilang ang Novaliches Police Station sa pangunguna ni Lt. Col. Reynaldo Vitto; Payatas Bagong Silangan Police Station na pinamumunuan ni Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz at La Loma Police Station na pinangangasiwaan ni Lt. Col. Romil Avenido.
Pasok din sa papuri ni Maranan ang Talipapa Police Station sa pamumuno ni Lt. Col. Resty Damaso at ang Batasan Police Station sa ilalim ni Lt. Col. Roldante Sarmiento.