MATAPOS ang 24 na taon ng paglilitis ng husgado, tuluyang hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo ang 17 miyembro ng bandidong grupo ng Abu Sayyaf kaugnay ng pagdukot sa 21 indibidwal mula sa bansang Malaysia.
Sa 157-pahinang resolusyon ni Taguig City Regional Trial Court Branch 153 Presiding Judge Mariam Bien, napatunayang “nagkasala ng walang bahid alinlangan” sina Alkaiser Baladji, Omar Galo, Muner Jumalla, Najer Ibrahim, Jahid Susukan, Hilarion Santos, Ben Najar Abraham, Said Massud, Hajid Elhano, Jundam Jawad, Aljunib Hashim, Michael Pajiji, Alhadi Aylani, Dhad Suraidi, Julkipli Salih, Saltimar Sali, at Redendo Dellosa.
“Being detention prisoners they and each of them shall be credited with the full time during which they had undergone preventive imprisonment, pursuant to the provisions of Article 29 of the Revised Penal Code,” saad sa desisyon.
Bukod sa habambuhay sa bilibid, inatasan din ng husgado ang mga akusado bayaran ang 21 biktima ng P100,000 bilang civil indemnity; P100,000 bilang moral damages; at isa pang P100,000 bilang exemplary damages—lahat ay may interes sa rate na 6% kada taon mula sa petsa ng pagtatapos ng paghatol hanggang sa ganap na pagbabayad.
Buwan ng Abril ng taong 2020 nang kidnapin ng mga miyembro ng Abu Sayyaf ang 21 kataong kinabibilangan ng 10 Amerikanong turista, siyam na Malaysian nationals, at dalawang Pinoy sa isang dive resort sa Sipadan, Malaysia.
Mula sa Malaysia, tinangay ang mga bihag sa sa Sulu habang nangingikil ang ASG ng ransom money mula sa pamilya ng mga dinukot.
Isang buwan ang lumipas, tuluyang pinalaya ang lahat ng bihag — maliban sa Pinoy na si Ronald Ulla — matapos matanggap ang ransom money.
Matapos ang dalawang buwang pagkabihag, natakasan ni Ulla ang mga bandido.
