
PARA sa Kamara, napapanahon nang sampolan ng pamahalaan ang mga dayuhang nagpapanggap na Pilipino gamit ang mga pekeng dokumento para makapagtayo ng mga negosyo sa bansa.
Higit pa sa negosyo, target din ng quad committee ng Kamara mabawi ang mga ari-ariang pinundar ng mga Chinese nationals na sangkot sa mga ilegal na aktibidad na ikinubli sa likod ng Philippine Offshore Gaming Operation (POGO).
Gamit ang mga nakalap na ebidensya at tesminya ng mga testigo, hinikayat din ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, na tumatayong overall chairman ng quad comm, ang Office of the Solicitor General (OSG) na maghain ng civil forfeiture case para sa mga ari-arian ng mga Chinese nationals — kabilang ang Chinese national na si Aedy Tai Yang alyas Tony Yang, na kapatid ni former Presidential Economic Adviser Michael Yang.
Kabilang sa mga isinumiteng dokumento sa OSG ang Philippine birth certificate ni Yang na inilabas noong 2004 kahit na ipinanganak umano ito noong 1983 at ang sertipikasyon mula sa Municipal Civil Registry ng San Antonio, Nueva Ecija, kung saan sinasabing kasamang naabo ang birth documents ni Yang sa naganap na sunog.
Ipinasa rin ang mga sertipikasyon kaugnay ng kasal ni Yang, tax declaration para sa mga ari-arian na nakapangalan kay Yang gayundin ang corporate records ng mga kompanya na iniuugnay sa kanya gaya ng Empire 999 Realty Corporation at Sunflare Industrial Supply Corp.
Ang Empire 999 ang may-ari ng warehouse sa Mexico, Pampanga kung saan nakuha ang P3.6 bilyong halaga ng shabu noong 2023.
Ipinasa rin ang mga dokumento kaugnay ng kuwestyunableng pagbili ng mga lupa ni Yang gamit ang inirehistrong kumpanya.