
SA gitna ng puspusang paghahanda ng senado sa napipintong imbestigasyon sa madugong giyera kontra droga ng nakalipas na administrasyon, iminungkahi ng isang ranking House official ang sabayang pagdinig sa bisa ng bicameral inquiry.
“Ang opinyon ko, eh kung meron ang Senate, meron din ang House, ba’t di na lang natin pag-isahin parang bicam ang dating? Isang joint committee hearing. Nandyan ang Kongreso, nandyan ang Senado, at nandyan ang ating imbestigasyon,” wika ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers na tumatayong overall chairman ng quad committee na nag-iimbestiga sa kalakalan ng droga, illegal POGO at extrajudicial killings sa ilalim ng administrasyon ni former President Rodrigo Duterte.
“I think mas malawak, mas komprehensibo, at syempre mas maraming mga intelligent questions na maitatanong,” dugtong ng kongresistang minsang naging kaalyado ng dating Pangulo.
Una nang nagpahiwatig si dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo’y Senador Ronald dela Rosa sa pagnanais magkaroon ng sariling imbestigasyon ang senado sa kampanya ng nakalipas na administrasyon laban sa kalakalan ng ipinagbabawal na gamot.
Gayunpaman, tinabla ni Senate President Francis Escudero ang naturang hirit ni dela Rosa sa paniwalang hindi akmang pamunuan ng personalidad na kabilang sa mga itinuturong kapural sa malawakan at sistematikong patayan ng mga indibidwal na di umano’y pasok sa bentahan ng droga.
Sa halip na ipagkatiwala sa Senate Committee and Public Order na pinamumunuan ni dela Rosa, target ni Escudero itulak ang imbestigasyon sa kumpas ng Senate Blue Ribbon Committee ni Senador Pia Cayetano.