SA kabila pa ng matinding init na nararanasan sa malaking bahagi ng kapuluan, inaasahan ang pagbuhos ng ulan sa katimugan bunsod ng isang low pressure area (LPA) na namataan sa layong 975 kilometro silangan ng Mindanao
Sa abiso ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), apektado ng LPA sa kahabaan ng Intertropical Convergence Zone (ITCZ) Mindanao at lalawigan ng Palawan.
Magkakaroon ng maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan, kulog at kidlat sa mga naturang lugar.
Nagbabala na rin ang PAGASA sa posibleng pagbaha at pagguho ng lupa dahil sa pagbuhos ng katamtaman hanggang sa malakas na pag-ulan.
Samantala, ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng kapuluan ay makakaranas ng bahagyang maulap hanggang sa maulap na papawirin na may pulu-pulong mga pag-ulan o pagkidlat-pagkulog dulot ng easterlies.