ARESTADO sa pinagsanib na operasyon ng Philippine National Police Anti-Kidnapping Group (PNP-AKG) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang apat na dayuhang sangkot sa serye ng pagdukot at pagpatay ng mga negosyante sa Metro Manila at mga karatig na lalawigan.
Kabilang sa mga dinakip ang tatlong Chinese nationals na kinilala sa pangalang Bei Huimin, Jielong Shen, Sun Xiao Hui at ang Vietnamese na si Hong Puc Lee na pinaniniwalaang responsable sa pagdukot at pagpaslang kay Mario Sy Uy, isang Filipino-Chinese businessman na natagpuang walang buhay sa Tanza, Cavite noong nakaraang Miyerkules.
Sa ulat ng mga operatiba, timbog ang tatlong Chinese nationals habang nagwi-withdraw di umano ng pera sa isang bangko sa Parañaque City.
Dakip rin sa hiwalay na operasyon ang Vietnamese suspect sa Bonifacio Global City sa lungsod ng Taguig.
Narekober din ng mga operatiba ang mga ebidensya – kabilang ang mga bank records na gagamitin sa pagsasampa ng kaso laban sa mga suspek.
Sa datos ng pulisya, Marso 18 nang dukutin sa Quezon City si Uy na natagpuang patay noong Marso 22 sa masukal na bahagi ng Saddle and Leisure Park sa Barangay Tres Cruses, sa lungsod ng Tanza, lalawigan ng Cavite.