
PATAY sa engkwentro ang isang hepe ng lokal na pulisya, makaraang rumesponde sa tawag ng saklolo ng mga residente sa bayan ng San Ildefonso sa lalawigan ng Bulacan.
Sa pagamutan na binawian ng buhay si San Ildefonso police chief Lt. Col. Marlon Serna na nagtamo ng tama ng bala sa kanyang ulo.
Sa paunang imbestigasyon, dakong alas 9:30 ng gabi (Marso 25) nang makatanggap ng impormasyon ang lokal na pulisya hinggil sa nakawan sa Barangay San Juan ng nasasakupang bayan – na agad naman nirespondehan ni Serna, kasama ang ilang tauhan sa himpilan.
Habang patungo sa Barangay San Juan, nagkaroon di umano ng habulan hanggang sa makarating sa madilim na bahagi ng Barangay Bohol na Mangga kung saan anila nagkaroon ng palitan ng putok sa pagitan ng pulis at dalawang suspek na sakay ng isang motorsiklo.
Mabilis na tumakas ang mga suspek matapos ang engkwentro.
Samantala, naglagak naman ng P500,000 gantimpala ang Department of Interior and Local Government (DILG) sa ikadarakip ng mga salarin.