
“NANGANGAMOY dagat na!”
Marahil isa ka sa naghahangad na makapag tampisaw sa dagat ngayon nararamdaman na ng katawan mo ang panlalagkit dahil sa maalinsangan panahon.
Inanunsyo na kasi ng PAGASA na simula na ang dry season o tag-init, tapos na ang malamig na simoy ni ‘Amihan’ o hanging dala ng northeast monsoon.
Kaya naman pinaalalahanan ng Department of Health (DOH) ang mga mamamayan na magdala ng payong at pangontra sa matinding sikat ng araw para makaiwas sa mga sakit gaya ng heat stroke, skin diseases, sore eyes at sunburn. Sabi pa ng DOH, mag-ingat lalo na kung lalabas sa mga oras na alas-10 ng umaga hanggang alas-3 ng hapon.
Sa social media, mainit na rin ang biruan at pag-i-edit ng mga pictures ng mga netizens sa nararanasang init ng panahon, nariyan na ipakitang kasamang nakahanay sa mga planeta ang Pilipinas na katabi ng araw. Ang iba naman makikitang nakahiga sa ihawan dahil parang iniihaw na raw ang pakiramdam!
Sa Antipolo, hinahanap na ng mga netizens kay Mayor ang remote ng aircon na sobrang lakas daw noong Disyembre! Maging ang Gobernadora ng Rizal ay nagbibiro na rin sa social media tungkol sa naglalakihang windmills sa Pililla.
Sa panig naman ng negosyo, kabi-kabila na rin ang promotion ng mga pagkaing pampalamig ng pakiramdam at syempre hindi pahuhuli ang mga ads ng ibat-ibang resorts!
Kaya sabi ng DOH, tiyaking malinis ang kinakain at sapat ang iniinom na tubig. Kung maliligo sa resort, dapat anilang tiyakin malinis ang languyan at gumamit ng sunblock para makaiwas sa mga sakit.
Seryosong bagay ang tag-init, siguradong may malaking epekto ito sa kalusugan at sa ekonomiya. Magiging banta ang dry season sa kabuhayan ng mga magsasaka at tiyak na ang kasunod, problema sa pagkain!
Malaki rin ang epekto ng tag-init sa supply ng tubig at kuryente kaya asahan na natin ang pagkaantala ng serbisyo ng tubig dahil sa pagbaba ng water level sa mga dam at kabi-kabilang power interruption dahil sa manipis na suplay ng kuryente!
Sadyang ganito na yata ang epekto ng climate change, kapag tag-ulan sobra-sobrang tubig ang rumaragasa na nagreresulta pa ng pagbaha, kung tag-init naman, pakiramdam natin ay ultimong dila natin ay matutuyuan rin!
Kaya ang panawagan natin sa ating mga kababayan, umpisahan na nating magtipid sa tubig at kuryente ngayong pumasok na ang panahon ng tag-init. Sundin rin ang payo ng DOH na makakatulong para manatiling protektado ang ating katawan laban sa matinding sikat ng araw.
Hanggang buwan ng Mayo pa raw tayo makakaranas ng mainit na temperatura sabi ng PAGASA kaya wag mainit ang ulo, habaan ang pasensya!