SIBAK sa pwesto ang apat na miyembro ng Special Weapons and Tactics (SWAT) matapos makunan ng larawan habang naka uniporme at bitbit ang service firearm sa isang pribadong pagtitipon sa lungsod ng Pasig kamakailan.
Sa isang kalatas ng Department of Interior and Local Government (DILG), pansamantalang inilipat ni DILG Secretary benhur Abalos sa kustodiya ng National Capital Region Police Office (NCRPO) sa Camp Bagong Diwa sa Taguig ang mga nabulilyasong pulis.
Ayon sa Kalihim, isasailalim sa imbestigasyon ang mga SWAT members na pinaniniwalaang rumaraket bilang private escorts sa networking company sa Pasig.
Nang hingan ng detalye sa pagkakakilanlan ng apat na pulis, ang tanging tugon ni Abalos ay pawang nakadestino di umano sa lokal na himpilan ng Pasig City ang mga sinibak
Gayunpaman, nilinaw ni Eastern Police District director Brig. Gen. Wilson Asueta na nagsagawa umano ng routine patrol ang SWAT team sa isang bahagi ng Pasig nang imbitahan dumalo sa soft launching ng isang networking company.
Itinanggi di umano ng mga sinibak na pulis na rumaraket sila bilang security escort ng negosyanteng may-ari ng naturang kumpanya.
