Ni FERNAN ANGELES
ISANG libong bisita sa mamahaling hotel para sa ika-70 kaarawan ng kongresista? Bawal yan, ayon kay dating Senador Antonio Trillanes.
Sa isang panayam, partikular na tinukoy ni Trillanes ang magarbong selebrasyon ng kaarawan ni Caloocan Congressman Oscar Malapitan sa isang mamahaling hotel sa lungsod ng Parañaque kamakailan.
Pagtataya ng dating senador, hindi bababa sa P3 milyon ang ginastos ng mambabatas – bagay na aniya’y malinaw na paglabag sa Republic Act No. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees) kung saan nakasaad ang pagbabawal sa “extravagant or ostentatious display of wealth in any form.”
Pati ang pagtanggap ng regalo, sabit din aniya batay sa mga probisyon ng RA 6713.
“Receiving any gift includes the act of accepting directly or indirectly, a gift from a person other than a member of his family or relative as defined under the law, even on the occasion of a family celebration or national festivity like Christmas, if the value of the gift is neither nominal nor insignificant, or the gift is given in anticipation of, or in exchange for, a favor.”
Maging ang lugar kung saan idinaos ang magarbong birthday party, pinuna ni Trillanes – isang casino kung saan mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok ng mga taong gobyerno alinsunod sa Memorandum Circular No. 6 series of 2016 na nilagdaan ni dating Executive Secretary Salvador Medialdea.
Para kay Trillanes, hindi magandang ehemplo ang ipinakita ni Malapitan na habang nagdiriwang ng magarbong kaarawan ay naghihirap ang mga residente ng lungsod ng Caloocan.
Hindi rin aniya usapin kung sariling pera ang ginastos ng kongresista sa magarbong party.
Kinuwestyon din ni Trillanes kung saan galing ang pinambayad ni Malapitan sa naturang okasyon kung saan hindi bababa sa 1,000 bisita ang dumalo kabilang ang mga barangay at city officials, mga negosyante, celebrities at top government officials.
Dati nang sumabit si Malapitan kaugnay ng di umano’y hindi angkop na paggamit ng P8-milyong Priority Development Assistance Fund (PDAF).
