Ni LILY REYES
TIMBOG sa operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) sa Quezon City ang isang ina bunsod ng pagbebenta ng hubad na larawan ng 11-anyos na anak na babae sa mga dayuhang hayok sa laman.
Sa imbestigasyon ng NBI,sangkot din sa modus ang tiyahin ng biktima.
Sa ulat ng NBI Human Trafficking Division, isang sumbong ang idinulog sa ahensya kaugnay ng di umano’y lantarang pag-aalok ng suspek sa mga dayuhang nakikilala sa social media. Matapos beripikahin ang impormasyon, nagkasa ng entrapment operation ang NBI Human Trafficking Division kung saan timbog ang hindi pinangalanang suspek.
Bukod sa larawan, tumatanggap di umano ng P25,000 ang suspek kapalit ng video ng aktwal na pangmomolestya sa 11-anyos na anak.
Ayon kay NBI Director Jaime Santiago, anim na taon na aniyang modus ng mga suspek ang pagbebenta ng hubad na larawan ng bata.
Katwiran ng suspek, kahirapan ang nagtulak sa kanya para pasukin ang pagbebenta ng hubad na larawan ng sariling anak.
Kasalukuyang nakapiit ang suspek na nahaharap sa kasong qualified online child abuse – isang asuntong walang probisyon ng piyansa.
