ANIM na katao – kabilang ang dalawang bata, ang namatay matapos maipit sa nasusunog na gusali sa Sampaloc, Maynila, kaninang madaling araw.
Sa ulat ng Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas 2:40 ng madaling araw nang makatanggap ng tawag hinggil sa nasusunog na four-storey residential building sa panulukan ng Laong Laan at Blumentritt Road.
Pagdating sa lugar ng insidente, agad na idineklara sa second alarm sa mabilis na pagkalat ng sunog.
Pag-amin ng lupon ng pamatay-sunog, pahirapan ang pagpasok sa gusali dahil sa makipot na daan papunta sa ikalawa hanggang ikaapat na palapag. Anila, isang tao lang ang kasya sa entrada.
Matapos apulahin ang sunog, tumambad ang mga biktima. Kabilang sa sinisilip sa imbestigasyon ang faulty electrical wiring.
