TALIWAS sa garantiya ng Department of Agriculture (DA) na walang mangyayaring paggalaw sa presyo ng mga bilihin sa merkado, tumaas ang halaga ng bentahan ng karne ng baboy, manok at isda sa mga pamilihan sa Metro Manila.
Sa price monitoring ng mga lokal na pamahalaan, sumipa sa P200 kada kilo ang bentahan ng manok na dating nabibili sa halagang P170.
Mula sa dating P310, pumalo naman sa P380 ang presyo kada kilo ng baboy. Gayun din ang dagdag-P40 sa kada kilo ng iba’t ibang klase ng isda sa mga pamilihang bayan.
Inaasahan din ng mga market vendors ang patuloy na paggalaw ng presyo ng bilihin sa palengke bunsod ng nalalapit na kapaskuhan at pagdiriwang na kalakip ng pagpasok ng bagong taon.
Una nang tiniyak ng DA at maging ng Department of Trade and Industry na hindi magkakaroon ng pagtaas sa presyo ng pangunahing bilihin sa kapaskuhan.
