MALAMIG na rehas ang kinahantungan ng pito katao – kabilang ang anim na Chinese nationals, matapos salakayin ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang isang establisimyentong nagsilbing kanlungan ng mga nais magpalaglag ng sanggol sa sinapupunan.
Sa bisa ng direktiba ni NCRPO chief Major General Edgar Alan Okubo, isang linggong minatyagan ng mga operatiba ang isang grupong nasa likod ng abortion house sa Barangay Tambo sa lungsod ng Parañaque.
Nang makumpirma ang impormasyon, agad na ikinasa ng Regional Intelligence Division ng NCRPO ang isang buy bust operation kung saan inaresto ang mga suspek.
Ayon sa mga operatiba, isang confidential informant ang nagdulog sa ahensya patungkol sa di umano’y iligal na panggagamot at pagbebenta ng mga gamot na ginagamit sa abortion sa nasabing lugar.
Dito na tumulak ang mga undercover agent na nagpanggap na bibili ng gamot na pampalaglag.
Narekober sa naturang lugar ang isang pakete ng Mifepristone tablet 25mg, isang pakete ng Cefixime Dispersible tablets 100mg, isang pakete ng Golden Throat Lozenge at Metronidazole tablets. Nabawi rin ang buy-bust monet na ginamit sa operasyon.
Nasa kustodiya na ng NCRPO ang mga ebidensya at ang mga suspek na pawang nahaharap sa kasong illegal practice of medicine na nakapaloob sa Republic Act 2382 (Medical Act of 1959) at paglabag sa RA 3720 (Food, Drug and Cosmetics Act).
“Ang tagumpay ng operasyong ito ay patunay ng hindi matatawaran ang pagkakaisa ng pamayanan at kapulisan laban sa lahat ng uri ng krimen sa pamayanan. Makakaasa ang ating mga kababayan na hindi titigil ang inyong NCRPO upang tiyaking ligtas at panatag ang ating pamayanan,” wika ni Okubo.