Ni Estong Reyes
MATINDING pinalagan ni Senador Grace Poe an planong pagtaas ng pasahe sa Light Rail Transit (LRT) system dahil masyadong masakit sa bulsa ito habang nasa gitna ng pagbabangon ng kabuhayan ng pasahero.
Sa pahayag, sinabi ni Poe, chairman ng Senate committee on public services na masyadong masakit sa bulsa ang plano ng LRT na dapat unahin ang pagpapaunlad ng serbisyo at pasilidad ng linya bago itaas ang halaga ng pasahe.
“Improvement in train services and facilities should come before any fare increase, not the other way around,” ayon kay Poe.
“Masakit sa bulsa ang anumang pagtaas ng halaga ng pasahe partikular sa estudyante at manggagawa na nabubuhay sa kakarampot na badyet at sumasandig ng mas murang mass transportation,” giit ng senador.
Naunang inihayag ng Department of Transportation (DOTr) na ipapatupad ng Line 1 at Line 2 g LRT ang fare increase na magiging epekto sa August 2.
Inaasahan din ni Poe na magpapatuloy ang LRT-1, isang private-owned company, na mamuhunan sa mas mahusay na sistema ng tren upang maging kumikitang pamuhunan.
Sa LRT2 naman, dapat maglaan ang pamahalaan ang bilyong pisong subsidiya sa pamamagitan ng badyet kada taon.
“Sa susunod na deliberasyon ng badyet, susuriin natin kung nagastos ang subsidiya na ito at matiyak na nabenepisyuhan ang pasahero,” dagdag ng senador.
“Kung maganda ang serbisyo, dadami ang pasahero. Nararapat lang na maramdaman nila ang ligtas, komportable at modernong train system sa bawat biyahe,” aniya.
