
BINULAGA ng kasalukuyang hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang mga hepe at tauhan ng mga himpilang sakop ng Southern Police District (SPD) sa biglaang pagbisita kamakailan.
Ayon kay NCRPO chief Major Gen. Edgar Alan Okubo, layon ng kanyang pag-iikot na tiyakin tumatalima ang mga nasasakupang istasyon sa mga umiiral na patakaran sa hangarin bigyan ng angkop at maayos na serbisyo publiko ang mga mamamayan ng Metro Manila.
Binigyang diin ni Okubo ang bentahe ng programang nakapaloob sa NCRPO Development Framework tulad ng Revitalized Pulis sa Barangay, Police Visibility, Pagtatalaga ng mga Female Customer Relations Officers, paglalagay ng mga CCTVs sa harapan ng mga custodial facilities, at iba pang mga inisyatibong tutugon sa pangangailagang panseguridad at pangkapayapaan ng pamayanan.
Layon din aniya nitong tiyakin na mailalapit ang kapulisan sa komunidad kung saan pulis mismo ang pupunta at aalam kung paano nila matutulungan ang mga mamamayan para manumbalik ang tiwala ng publiko sa hanay ng mga unipormado.
Kaalinsabay nito, ginarantiyahan din ni Okubo na personal nyang sisiguruhin hindi ipagsasawalang bahala ng kanyang mga tauhan ang kanyang mga direktiba at ,maging ang atas ni PNP chief Gen. Benjamin Acorda Jr.
“Personal kong babantayan ang pagpapatupad ng ating mga programa at mga panukala sa lahat ng himpilan ng pulisya sa Kamaynilaan lalo na po ang mga napapaloob sa ating NCRPO Development Framework alinsunod sa 5-Focused Agenda ng ating Chief, PNP. Sa ganitong paraan ay personal kong masasaksihan kung epektibo ba ang ating mga programang ipinapatupad at kung ano pa ang mga maaari nating gawin upang mas pag-ibayuhin pa ang ating serbisyo publiko. At sa gayon ay matulungan natin ang ating mga kapulisan sa NCRPO upang gampanan ng higit na maayos ang kanilang mga tungkulin,” wika pa niya.
Ilan sa mga presintong binisita ng NCRPO chief ang Baclaran Police Sub-Station 1, Bangkal Police Sub-Station 4, Malibay Police Sub-Station 6, Pasay City SOCO Team, at MCU Police Sub-Station 7.
Sa pag-iikot ni Okubo, napuna niya ang ilang mga pagkukulang sa bawat himpilan. Kabilang dito ang kakulangan ng tao sa ilang tanggapan at kawalan ng CCTV camera sa ilang detention center.
Hihingan naman ng paliwanag at iimbestigahan ang ilang pulis na naabutang hindi nakasuot ng wastong uniporme sa Pasay at papanagutin ang mga Commanders kung mapapatunayang may pagkukulang din ang mga ito.