KASABAY ng sukdulang init ng panahon, nilamon ng nagngangalit na apoy ang nasa mahigit 100 tahanan sa mga lungsod ng Marikina at Pasay. Pito ang naitalang sugatan sa dalawang insidente, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).
Sa Marikina City, apat katao ang sugatan sa sunog sa Barangay Tumana dakong alas 8:00 ng umaga kahapon.
Ayon sa Marikina City BFP, kabilang sa mga nasaktan ang isang fire volunteer na nagtamo ng sugat sa kamay at tatlong iba pa.
Batay sa paunang resulta ng imbestigasyon, nagsimula ang sunog sa isang bahay sa kahabaan ng A. Santos St., sa Barangay Tumana. Mabilis umanong kumalat ang sunog sa mga katabing tahanan na pawang gawa lamang di umano sa mga light materials.
Ganap na alas 8:45 ng umaga naman nang ideklarang under control ang sunog na tuluyang naapula matapos ang isang oras.
Nasa 60 hanggang 80 pamilya ang nawalan ng tahanan.
Sa kaugnay na balita, 30 pamilya naman ang pansamantalang nakasilong sa barangay gymnasium court matapos tupukin ng apoy ang mga kabahayan sa isang residential area, sa Pasay City. Tatlo ang sugatan sa insidente.
Sa ulat ng BFP-Pasay, nagsimula ang sunog sa ikalawang palapag ng bahay ng isang Minda Campusano, bandang alas-6:30 ng gabi, sa P. Dandan St., Brgy. 54, ng nasabing lungsod.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon sa dalawang insidente ng sunog sa Metro Manila.
