SAKLOLO ang panaghoy ng mga residenteng binigyan na lang hanggang Pebrero 25 para lisanin ang North Bay Boulevard na kanilang nagsilbing tahanan sa nakalipas na 33 taon.
Hiling ng mga residente sa lokal na pamahalaan ng lungsod ng Maynila, mabigyan muna sila ng lugar na paglilipatan bago pa man gibain ang kanilang tahanan sa bisa ng court order na inilabas ng husgado.
Mapayapang nagsagawa ng piket protesta ang mahigit 100 kasapi ng North Bay Neighborhood Association (NCNA) sa harapan ng Manila City Hall kung saan partikular na idinulog ng mga apektadong residente kay Manila City Mayor Honey Lacuna ang kahilingan maglaan ng relokasyon para sa mga pamilyang tatamaan ng demolisyon, batay na rin sa Republic Act 7279.
Sa ilalim ng RA 7279 (na mas kilala bilang Urban Development and Housing Act), responsibilidad ng pamahalaan tiyakin ang pagbibigay ng disente at abot-kayang pabahay sa bawat Pilipino, higit lalo pa’t pasok sa kategorya ng “underprivileged.”
Ayon kay Anthony Yuson na tumatayong presidente ng NCNA, isang liham ang natanggap nila mula sa korte na nag-uutos sa lisanin ang kanilang lupang kinatitirikan ng kanilang mga tahanan sa sa nakalipas na 33 taon.
Giit ng korte, pagmamay-ari ng Philippine Span Asia Carrier Corporation (PSACC), dating Sulpicio Lines Incorporated ang naturang lupa.
“Nakakalunos na malaman namin mula sa isinagawang Pre-Demolition Conference noong Pebrero 5, 2024 nang inihayag ng kinatawan ng Manila Urban Settlement Office na walang pondo ang lokal na pamahalaan para sa tulong pinansyal at hindi sakop daw ng relokasyon ang tulad naming maralita na naninirahan sa pribadong lupain,” himutok ni Yuson.
Iginiit ng samahang NCNA na kabilang sila sa mga kapuspalad at walang tirahan at responsibilidad ng gobyerno na tiyakin ang pagkakaloob ng disente at abot-kayang pabahay sa bawat Pilipino batay sa probisyon ng 1987 Constitution.
Bagamat ang PSACC ay nag-aalok ng tulong pinansyal, hindi aniya sapat para makaagapay sa epekto ng biglaang pagkawala ng kanilang mga tahanan.
Hiling pa ng grupo ng maralita kay Lacuna – isama sila bilang benepisyaryo ng lungsod sa Pambansang Pabahay Para sa Pilipino Housing (4PH) program ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
“Nais naming manatiling naninirahan sa Lungsod ng Maynila kung saan ay malapit sa aming pinagtatrabahuhan at para hindi na rin maabala ang pag-aaral ng aming mga anak,” hirit pa ni Yuson.
Sa pinakahuling ulat, may nakatakdang isang dialogue ngayong araw sa tanggapan ng pamahalaang lungsod ng Maynila para “maremedyuhan” di umano ang kalagayan ng pamilyang maralita sa napipintong demolisyon.
