HINDI mawari ng halos 100 pamilya kung saan titira matapos lamunin ng apoy ang nasa 70 kabahayan sa Barangay Sto. Niño sa lungsod ng Parañaque.
Sa ulat ng Parañaque City – Bureau of Fire Protection, umabot sa ikalimang alarma ang sunog na nagsimula dakong alas 10:40 Sabado ng gabi sa isang residential area sa kahabaan ng Kalye Gomburza sa nabanggit na lungsod.
Ayon sa mga saksi, mabilis umano ang pagkalat ng sunog dahil pawang yari sa light materials ang mga apektadong bahay.
Idineklarang under control bandang alas 3:00 ng madaling araw. Ganap na naapula ang sunog alas 5:30 ng umaga.
Patuloy ang imbestigasyon ng Paranaque-BFP sa sanhi at lawak ng pinsalang dulot ng sunog.
