Ni EDWIN MORENO
TINAPOS ng Philippine National Police (PNP) ang apat na buwang pagtatago ng isang dating sundalo na itinuturong dumukot sa 15-anyos na binatilyo sa lungsod ng Pasay noong buwan ng Enero.
Sa ulat ng PNP-Anti Kidnapping Group (PNP-AKG), inaresto si Alexander Sayson Anobling sa Pasig City sa bisa ng isang mandamiento de arresto na inilabas ng husgado.
Sa rekord ng korte, Enero 14 nang dukutin ni Anobling ang di pinangalanang binatilyo habang sakay sa kotse na minamaneho ng family driver. Kasama rin sa kinidnap ang family driver.
Hindi naman malinaw kung nagbayad ng ransom ang pamilya matapos “ma-rescue” ang dalawang biktima sa Tarlac City.
Kasalukuyang nasa PNP-AKG custodial facility sa loob ng Camp Crame ang suspek.
