Ni LILY REYES
MALAMIG na rehas ang kinahantungan ng isang 58-anyos na civil engineer matapos dakpin ng mga operatiba ng Quezon City Police District – Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU) bunsod ng reklamo ng dalawang negosyanteng nagoyo sa di umano’y investment scam.
Kinilala ng QCPD Director Brig. Gen. Rederico Maranan ang suspek sa pangalang Guadelou Davis Dela Fuente na residente ng Barangay Greater Lagro, Quezon City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, nakumbinsi di umano ng suspek sina Lea Galban Cardeno at Emylu Calvario Gimeno na magpasok ng P13 milyon bilang investment sa construction business ni dela Fuente.
Matapos ang ilang buwan, nagtanong ang mga biktima kung kailan maibibigay ang pera at pangakong kita, hiningan pa di umano sila ng P5 milyon ni dela Fuente para hindi ma balewala ang kanilang investment.
Dito na nagduda ang mga biktimang agad na nagtungo sa QCPD para ireklamo si dela Fuente. Agad na nagkasa ang CIDU ng entrapment operation sa loob ng kilalang fast food chain sa kahabaan ng Quirino Highway kung saan dinakma ang suspek.
Nahaharap si dela Fuente sa kasong robbery extortion.
