SIYAM na indibidwal ang nagtamo ng mga lapnos sa katawan sa dalawang magkahiwalay na insidente ng sunog sa Quezon City.
Sa report ng Bureau of Fire Protection (BFP), apat katao, kabilang ang dalawang babae, ang sugatan sa sunog na naganap sa dating ACT Theater sa panulukan ng EDSA at Aurora Boulevard sa Barangay Socorro sa Cubao dakong alas 6:26 kahapon ng umaga.
Bandang alas 11:00 ng umaga nang ganap na maapula ang sunog na umabot lang sa unang alarma.
Kabilang sa mga nadamay ang mga tindahan ng ukay-ukay sa unang palapag ng nasunog na gusali.
Samantala, hindi naman bababa sa lima katao ang nasugatan nang sumiklab ang sunog sa isang residential area sa Barangay Tandang Sora nitong Miyerkules ng gabi.
Sa pagtataya ng BFP, 18 bahay na gawa sa light materials sa kahabaan ng General Avenue ang tinupok ng apoy na nagsimula dakong alas-11:00 ng gabi at umabot sa unang alarma bago naapula bandang pasado alas 12:00 ng hatinggabi.
Sa imbestigasyon ng mga tauhan ni Chief Inspector Marvin Mari na tumatayong chief operations officer ng Quezon City fire district, nagsimula ang sunog sa dalawang palapag na shanty.
Patuloy pa ang imbestigasyon sa sanhi ng magkahiwalay na insidente ng sunog. (Lily Reyes)
