SAMPUNG araw bago sumapit ang araw ng Pasko, binisita ni House Speaker Martin Romualdez ang Philippine Children’s Medical Center sa Quezon City para personal na pangasiwaan ang ang pamamahagi ng pamaskong regalo sa mga batang pasyente.
Sa temang “Paskong Tarabangan Event,” nagpaabot rin ng tulong pinansyal si Romualdez kasama ang asawang Tingog partylist Rep. Yedda Marie Romualdez at Ako Bicol Rep. Elizaldy Co, sa pamilya ng mga batang pasyente.
“This is one of my favorite social events as a legislator where we spend time with children. Napakasarap isabuhay ng mga katagang ‘ang Pasko ay para sa mga bata’ dahil nakikita mo ang kanilang tunay na galak at tuwa sa mga pagtitipon tulad nito,” mensahe ni Romualdez sa isang talumpati.
“Bukod sa paghahanda ng isang pagdiriwang para sa mga batang pasyente kasama ang kani-kanilang pamilya, mag-aabot din tayo ng tulong pinansyal sa mga naka-confine dito sa PCMC at dadalaw din tayo sa children’s ward para mamigay ng regalo. Iparamdam natin ang Pasko dito sa PCMC,” wika ng lider ng 300-plus-strong House of Representatives.
Tampok sa naturang pagtitipon ang Christmas party para sa 130 batang lumahok sa mga fun activities at children’s entertainment, na sinundan naman ng Ako Bicol “People’s Day” na kinapalooban ng pamamahagi ng guarantee letters para sa pagbibigay ng medical assistance.
Tumuloy naman ang grupo ni Romualdez sa children’s ward ng ospital para sa gift-giving ceremony sa mga pasyente.
Bukod sa pamaskong regalo, sinorpresa rin ng lider-kongresista ang pamilya ng mga pasyente – “zero billing” para sa gamutan sa naturang ospital.
Umani ng malakas na palakpakan at lubos na papuri sa pamilya ng mga batang pasyente ang pahayag ni Romualdez habang si Rep. Yedda Romualdez na labis din ang kagalakan sa nakita niyang kasiyahan at pasasalamat sa mukha ng mga nabigyan ng mga pamasko dala nila.
“There is nothing more pure and sincere than a child’s genuine happiness and Christmas spirit. I am very pleased to be a part of this event,” sabi ng Tingog partylist lady solon.
“Bilang isang ina napakahirap makita ang ating mga anak na may sakit. Sana sa aming pagdalaw ay nakapagdala kami ng kaunting pag-asa at maibsan ang pinagdadaanan ng ating mga anak. Dasal ko po na sana ay gumaling na sila,” dugtong niya.
Pagkatapos ang programa, tumuloy sina Romualdez sa 5,000-square meter lot sa loob ng Blood Bank Complex para inspeksyunin ang pagpapatayo ng bagong Philippine Cancer Center gayundin ang Mega Hemodialysis Legacy Building sa National Kidney and Transplant Institute, na kapwa nasa Quezon City.
“We expect that once the new buildings are done, they will serve more patients in the future and further enhance healthcare delivery to our people,” pagtatapos ni Romualdez. (Romeo Allan Butuyan II)
