ARESTADO ang mag-asawa at ang 16-anyos nilang anak nang bentahan ng iligal na droga ang pulis na nagpanggap na adik sa harapan ng isang paaralan sa Quezon City, nitong Sabado ng gabi.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Director, Brig. Gen. Nicolas Torre III ang mag-asawang sina Alejandro Lapore, 52; Rosalinda Lapore, 50, at ang 16-anyos na anak na babae, pawang residente ng Brgy. Santa Ana, Taytay, Rizal.
Sa report ni Anonas Police Station (PS 9) chief Lt. Col. Morgan Aguilar, bandang 6:00 ng gabi (Hulyo 8) nang maaresto ang mga suspek sa harap ng Saint Bridget School na matatagpuan sa kahabaan ng Aurora Blvd., Brgy. Loyola Heights, Quezon City.
Napag-alaman na nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng PS 9 matapos makatanggap ng impormasyon mula sa isang concerned citizen kaugnay sa pagtitinda ng droga ng mga suspek.
Isang pulis ang nagsilbing poseur buyer at bumili ng P50,000 halaga ng shabu sa mga suspek at nang ipaabot sa anak ng mag-asawa ay saka na sila dinakma ng mga awtoridad.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang 250 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P1.7 milyon; sling bag; isang cellular phone; Isuzu DMAX na may Plate No. NOT 449; at ang buy-bust money.
Inihahanda na ang kasong paglabag sa R.A. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga suspek.
“Binabati ko ang ating mga operatiba sa kanilang patuloy na operasyon laban sa iligal na droga. Ito ay malaking kontribusyon upang mapanatili nating ligtas at payapa ang lungsod. Makakaasa kayo na buo ang aking suporta sa lahat ng inyong trabaho laban sa mga iligal na mga gawain,” pahayag ng QCPD chief.