TIMBOG ang magkapatid na teenager makaraang magnakaw ng motorsiklo at ibenta sa Quezon City, ayon sa report.
Kinilala ni Quezon City Police District (QCPD) Payatas Bagong Silangan Police Station (PS 13) chief, Lt. Col. Leonie Ann Dela Cruz ang magkapatid na sina Sanny Jesalva, 19, at John Michael Jesalva, 18, kapwa residente ng Brgy. Old Balara, Quezon City.
Gabi ng Hulyo 7 nang madiskubre ng biktimang si Arman Cabuquit na nawawala ang nakaparada niyang motorsiklo sa harap ng kanilang tahanan sa No. 73 Lower Atis St., Brgy. Payatas, sa naturang lungsod.
Ibinebenta umano ng mga suspek ang ninakaw na motorsiklo sa isang nakilalang Ma. Angelica May Pilapil pero nang i-verify nito sa Land Transportation Office (LTO) ay nadiskubreng nakarehistro ang motorsiklo sa pangalan ng biktimang si Cabuquit.
Dito na nakipag-ugnayan si Pilapil sa PS 13 na humantong sa pagkadarakip ng mga suspek.
Kakasuhan ang mga suspek ng paglabag sa R.A. 10883 o mas kilala bilang Anti-Carnapping Act of 2016 sa QC Prosecutor’s Office.
“Walang pinipiling oras ang serbisyo publiko ng mga pulis sa QCPD. Kaya hinihikayat ko ang publiko na kaagad ipagbigay-alam sa kinauukulan ang mga ganitong pangyayari upang mabigyan ng agarang aksyon,” pahayag ni QCPD Brig. Gen. Nicolas D Torre III.