
HINDI nagpatinag ang hanay ng mga operator at tsuper ng mga pampasaherong jeep sa pagpapalawig ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa bisa ng kanilang prangkisa hanggang Disyembre ng kasalukuyang taon.
Ayon kay Mar Valbuena na tumatayong lider ng grupong Manibela, tuloy ang tigil pasada
“Isa lang ang sasabihin ko, tuloy po ang tigil-pasada,” ani Valbuena.
Una nang sinabi ng LTFRB na maglalabas sila ng bagong memorandum circular na mag-uusad sa Hunyo 30 ultimatum sa Disyembre 31 para sumapi sa mga kooperatiba o lumikha ng korporasyon batay sa panuntunan ng PUV Modernization Program na isinusulong ng Department of Transportation (DOTR).
Pag-amin ni Valbuena, hindi pa sila nakakakuha ng sipi ng dokumentong ibinida ng LTFRB, subalit may nagsabi aniya sa kanilang grupo na wala sa binalangkas na kalatas ang solusyon sa kanilang idinudulog sa gobyerno.
“2021 pinutol ang consolidation. May mga iba-ibang transport cooperative tapos nung pinutol ‘yun, di kami natapos, basura na. Back to zero. Ngayon, kung gusto namin sumali, po-proseso ulit kami pero doon na sa naunang kooperatiba na nag-comply,” aniya.
“Ano implications nito? Hindi na kami magiging kooperatiba. Yung mga miyembro po namin na kasama sa kooperatiba sasali sa existing kooperatiba na naunang nakapag-comply o napayagan. Ano mangyayari don? Magmi-miyembro na naman kami….May membership fee na naman. Panibagong gastos ulit,” himutok pa ng lider ng grupong Manibela.
Pagtataya ni Valbuena, aabot sa 40,000 traditional jeep sa Metro Manila ang hindi papasada sa hudyat ng Marso 6 hanggang 12.