NASA kustodiya na ng Philippine National Police (PNP) ang anim sa 15 suspek na pinaniniwalaang may kinalaman sa pagkamatay ng isang chemical engineering student na di umano’y isinailalim sa hazing ng isang prominenteng fraternity organization.
Ayon kay Biñan Chief of Police Lt.Col. Virgilio Jopia, nakatakda na rin sampahan ngayong araw ng kasong paglabag sa Anti-Hazing Law ang anim na miyembro ng Tau Gamma Phi.
“Itong mga inimbitahan natin for investigation, ito ‘yung pumalo hangga’t mahirapan at ikamatay ng ating biktima,” ayon kay Jopia, habang patuloy pa aniya ang pakikipag-ugnayan sa 10 iba pang tinawag niyang ‘persons of interest.’
Pebrero 28 nang matagpuan sa isang masukal na lote sa Imus, Cavite ang wala ng buhay na si John Matthew Salilig na una ng idinulog na nawawala matapos magpaalam sa pamilya na dadalo sa ‘welcoming rites’ ng Tau Gamma Phi sa Laguna.
Sa himpilan ng pulisya, personal na kinilala ni John Michael (nakatatandang kapatid ng biktima) ang mga miyembro ng Tau Gamma na di umano’y nanghikayat kay John Matthew para sumapi sa grupong ‘kapatiran.’
Pag-amin ni John Michael, siya man ay miyembro din ng Tau Gamma Phi at sumailalim sa hazing.
Gayunpaman, malayo aniya sa dinanas na hirap ang pinagdaanan ng kapatid na pumanaw.
“Sabi nila, since we have a hazing law sa batas natin, ang ibibigay na lang ay 12 to 24, marami na ang 24. Nagbibilang ako that time, ang huling bilang ko ay 47 but marami pa. If I will estimate that, 70 plus. Lahat po sila full swing tapos may isa na nagbigay ng ‘thank you’ hit,” ayon naman sa isa pang miyembro ng Tau Gamma Phi na unang lumutang para ituro ang lugar kung saan itinapon ang bangkay ng biktima.
Bukod sa hataw ng balila, kabilang rin aniya sa mga pahirap na kanilang dinanas sa kamay ng Tau Gamma Phi ang lagod ng sinturon, at pagpatak ng kandila sa likod.