ASAHAN sa mga susunod na araw ang kabi-kabilang operasyon sa ikadarakip ng 18 ex-Marines na higit na kilala sa tawag na Maleta Boys, matapos maglabas ang Makati Regional Trial Court ng mandamiento de arresto sa mga dating sundalo.
Bukod sa Maleta Boys, swak din sa arrest warrant si Levito Baligod na tumatayong abogado ng mga ex-Marines na sinasabing tagahatid ng male-maletang pera mula sa tinaguriang flood control kotong.
Nag-ugat ang warrant sa bisa ng reklamong cyber libel case na inihain ni Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr.
Sa isang pahayag, ihiniit naman ni Baligod na hindi siya binigyan ng pagkakataon tumugon sa reklamo dahil hindi nakarating sa kanyang tanggapan o tahanan ang subpoena mula sa korte.
Sa ilalim ng umiiral na reglamento ng husgado maaaring maglagak ng P20,000 piyansa ang mga akusado habang dinidinig ang kaso.
