Ni LILY REYES
SWAK sa piitan ang isang rider matapos itapon ang isang kahon kung saan literal na itinupi ang bangkay ng isang babae sa Tondo, Maynila.
Ayon kay Manila Police District (MPD) Director Brigadier General Arnold Thomas Ibay, isang tawag ang natanggap ng pulisya mula Barangay 109 kaugnay sumbong na tricycle driver na nakadiskubre sa balikbayan box na inakalang naglalaman ng mga pinaglumaang gamit na pwedeng pakinabangan.
Giit ng suspek na nagtatrabaho bilang rider ng J&T Express, inutusan lamang siya ng tiyuhin ng kanyang kasintahan.
“Wala po akong kinalaman dahil pauwi nako noon galing trabaho nung tinawagan ako… pagdating ko karga na nila yung kahon at nakisuyo sila na itapon ko. Nanghiram pa nga po sila sakin ng tape,” depensa ng rider.
Dito na nagkasa ng follow-up operation ang MPD Criminal Investigation Section (CIS) sa Kalye Capulong sa Tondo kung saan agad na dinakma ang dalawa kato, kabilang ang tiyuhin ng karelasyon.
Patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng pulisya sa hangaring matukoy ang partisipasyon ng mga arestadong suspek at motibo sa pamamaslang.
