MULING nabunyag ang paggamit ng pasilidad ng gobyerno para sa pansariling kampanya ng mga politiko, matapos matagpuan ang mga campaign materials ni Makati Rep. Kid Peña, sa loob ng punong bulwagan ng isang barangay sa naturang lungsod.
Kandidato si Peña sa posisyon ng vice mayor ng Makati.
Batay sa mga nakalap na impormasyon, nagbabahay-bahay ang sina United Nationalist Alliance (UNA) mayoralty bet Nancy Binay at Monsour del Rosario (kandidato para vice-mayor) nang hindi sinasadyang mapansin ang santambak na campaign posters sa loob mismo ng punong bulwagan ng Barangay Pio del Pilar.
Bago pa man ang naturang insidente, nabuking din ng kampo nina Binay at del Rosario ang kahalintulad na paggamit ng tambalang Luis Campos at Kid Peña ng pasilidad ng barangay bilang bagsakan ng mga campaign posters, sample ballots at iba pang kagamitang may pinamamahagi sa kampanya.
Inamin mismo ni Campos sa kanyang Facebook post na sa kanila nga ang mga materyales ay nasa loob ng barangay hall. Gayunpaman, nilinaw niyang nakasalansan sa mesa ang mga naturang election paraphernalia para kunin ng mga taga-suportang residente.
Una nang nagbabala ang Commission on Elections (Comelec) sa mga kandidato hinggil sa nakaambang kastigo sakaling mapatunayan ng walang bahid alinlangan ang paglabag sa Ombnibus Election Code.
Kaugnay naman ng paggamit ng mga barangay hall bilang imbakan ng mga campaign materials, una nang pinaalalahanan ni Comelec chairman George Garcia ang mga kandidato sa parusang katapat ng paglabag sa Section 34(b) ng Comelec Resolution 11104 na mahigpit na nagbabawal sa paggamit ng salapi, sasakyan, kagamitan at maging pampublikong pasilidad bilang imbakan ng mga campaign materials.
Ayon kay Garcia, bagamat pinahihintulutan ang mga opisyal at kawani ng barangay mangampanya para sa napupusuan kandidato, hindi pinahihintulutan ang paggamit ng anumang pag-aari ng pamahalaan para sa anumang may kinalaman sa pangangampanya.
Panawagan ng tambalang Binay-Del Rosario sa Comelec at sa iba pang kinauukulan ahensya, agad na magsagawa ng masusing imbestigasyon para sa angkop na parusa.
