PALAISIPAN para sa isang senior citizen mula sa lungsod ng San Juan kung paano nakasama sa kanyang resibo ang pangalan ng isang kandidato sa posisyon ng senador gayung hindi naman umano niya minarkahan ang espasyong katapat ng pangalan ng politiko.
Ayon sa botante, maaga niyang tinungo ang Xavier School sa San Juan para hindi na kailangan pang pumila para pumili ng mga napupusung kandidato mula sa posisyon ng senador, kongresista, at maging sa lokal na opisyales.
Pagkatapos bumoto, nirebisa niya umano ang resibo ibinigay ng election board member. Subalit laking gulat niya umano nang mapansin na kasama ang isang kinamumuhian senatorial candidate sa mga lumalabas na nakakuha ng kanyang boto.
Pagtitiyak ng naturang botante, imposible siyang magkamali dahil pinaghandaan niya umano ang araw ng halalan. Bilang patunay, inilabas pa ng naturang senior citizen ang listahan na kanyang ginawa para makasigurado.
Bukod sa naturang problema, nakapagtala rin ng aberya sa San Juan bunsod ng palyadong automated counting machine (ACM).
