PITONG banyaga mula sa bansang Vietnam ang dinakip matapos salakayin ng mga operatiba ng National Bureau of Investigation – Anti Organized Crime and Transnational Crime Division ang isang KTV bar sa Pasay City kung saan hayagan ang bentahan laughing gas (nitrous oxide) na sinisinghot sa pamamagitan ng lobo.
Sa paunang ulat ng NBI, dakong alas 2:00 ng madaling araw nang pasukin ng mga operatiba ang Genz KTV Bar kung saan huli sa aktong sumisinghot ng lobong puno ng laughing gas ang mga parokyano.
Bukod sa mga inarestong dayuhan, narekober din sa loob ng Genz KTV Bar ang 22 tangke ng nakakalason oxide tanks at mga pinaggamitang lobo.
Pag-amin ng mga Pilipinong nagtatrabaho sa nasabing KTV Bar, mga ka-trabahong Vietnamese ang nag-aalok at kumukuha ng order ng lobo, habang sila naman di umano’y limitado sa paghahain ng mga order na pagkain at alak.
“Ang nagte-take ng order, Vietnamese. Bibigay samin yung resibo then kami ang magdadala sa pagkukunan namin ng order. Halimbawa, alak o anong drinks. Then pag may order na lobo, separate yung order na yun, may mga cards. Hindi rin namin alam na bawal yung kung anong laman nun. Ang alam namin, oxygen lang,” ayon sa bisor ng Genz KTV Bar sa Pasay.
“Ang ginagawa kasi nila nainom together with the balloon o lobo so di namin alam kung sa alak ba sila nahihilo or sa balloon kasi halos pinagsasabay nila e. Depende rin kasi minsan marami sila magtake ng balloon… Yung iba nahihilo, sinasabayan nila ng sounds, yung tugtog, parang nag-eenjoy sila. Ako inoobserve ko lang sila (waiters) paano sila mag serve ng customer kasi dun kami kumikita. Ang habol talaga namin dun, tips,” aniya pa.
Hindi naman inabutan ang may-ari ng Genz KTV Bar na kinilala sa pangalang Esmeralda Antioquia.
Ayon sa NBI, sasampahan ng kasong paglabag sa Presidential Decree 1619 (Act penalizing the use, possession or unauthorized sale of volatile substances for the purpose of inducing intoxication or in any manner changing, distorting or disturbing the auditory, visual or mental process and providing intervention measures and/or appropriating funds for the purpose), si Antioquia at ang mga inarestong banyaga.
Nakikipag-ugnayan na rin ang NBI sa Bureau of Immigration (BI) para sa posibleng deportation ng mga dinakip na Vietnamese.