SA paglamig ng kontrobersiya hinggil sa manipulasyon ng kartel na nagdidikta ng presyo sa merkado, muling umarangkada ang bentahan ng sibuyas na halagang P200 kada kilo sa mga pamilihang bayan.
Pag-amin ng Department of Agriculture (DA), tumaas ulit ang presyo kada kilo ng sibuyas, batay sa price monitoring ng kagawaran.
Sa datos ng departamento, P20 ang ipinataw na dagdag presyo sa kada kilo ng sibuyas. Mula sa P180 kada kilo noong nakaraang linggo, mabibili na di umano ang sibuyas sa halagang P200 pataas.
Para sa grupong Samahang Industriya ng Agrikultura (SINAG), masyadong malayo ang bentahan sa merkado ng sibuyas na binibili lang ng mga negosyante mula sa mga magsasaka sa iba’t ibang lalawigan sa halagang P50 kada kilo.
Pangamba pa ni SINAG Executive Director Jayson Cainglet, posibleng sumipa pa ang presyo ng sibuyas pagsapit ng Hunyo kung kailan aniya inaasahang hawak ng mga mga negosyante ang malaking bahagi ng supply – mula sa mga magsasaka at mga inangkat sa ibang bansa.
Sa datos ng SINAG, sapat lang ang supply ng sibuyas hanggang Setyembre.
“This early, the DA must already plan the importation of white onions, but they must have the right information regarding the stocks at the cold storages and inventory of where the onion imports went,” ani Cainglet, kasabay ng giit na hindi na dapat umano maulit ang nangyari sa huling bahagi ng nakalipas na taon kung saan pumalo sa P750 kada kilo ang bentahan ng sibuyas sa merkado.
Kabilang sa mga lugar na kinakitaan ng pagtaas ng presyo ng sibuyas ang mga pamilihang bayan ng Muntinlupa, Pasig, Muñoz Market at Mega Q-Mart sa Quezon City, Quezon City, Malabon Central Market, New Las Piñas City Public Market, Quinta Market, Pritil Market, at San Andres Market sa lungsod ng Maynila Manila, at Commonwealth Market.